Nababahala ngayon ang crypto community tungkol sa privacy dahil may paparating na mga bagong crypto tax reporting framework sa 2026. Dahil dito, mas titindi pa ang pagbabantay ng mga regulators sa lahat ng galaw sa digital assets sa buong mundo.
Nasa 48 na bansa na ang nagpatupad ng Crypto-Asset Reporting Framework (CARF) ngayong taon, habang pumasok na rin ang bagong batas ng European Union na tinatawag na DAC8.
CARF at DAC8: Ano Dapat Mong Malaman
Para mabilis mong maintindihan, galing ang CARF framework sa OECD. Isa itong global na standard para gawing transparent ang tax, at sinisigurado nitong may malinaw at automatic na impormasyon ang mga tax authorities tungkol sa mga crypto asset transaction. Pareho lang ito ng sistema na ginagamit ng Common Reporting Standard (CRS) para sa mga tradisyonal na bank accounts.
Pinipilit ng framework na ‘to ang mga service provider na kunin ang mas maraming customer data, alamin at i-verify kung saan talaga nagbabayad ng tax ang users, at magsumite ng regular na mga report sa tax authority ng kanilang bansa. Kailangang idetalye dito ang mga reportable na crypto asset transaction at kung magkano ang kinita o natanggap.
Pagkatapos, magpapalitan ng report ang mga sumasali na bansa gamit ang mga international information-sharing agreement. Noong January 1, sinimulan na ito ng 48 bansa gaya ng United Kingdom, Germany, France, Japan, South Korea, at Brazil. Target na mai-submit ang unang annual report sa 2027.
Samantala, naging epektibo rin sa simula ng taon ang DAC8 directive ng European Commission. Parehong layunin ng CARF at DAC8 na gawing klaro at patas ang tax reporting sa crypto, pero magkaiba sila pagdating sa coverage, paraan ng pagpapatupad, at gaano kalawak ang sakop ng mga ito.
Obligado ng DAC8 na mag-report ng crypto asset transactions ang lahat ng 27 EU member states. Ibig sabihin, dapat kolektahin at i-report ng mga service provider lahat ng detalye ng users at transaksyon sa kanilang mga national tax authority.
Pagkatapos nito, magpapalitan ng impormasyon ang mga tax authority sa buong EU. Binibigyan ang mga kumpanya ng six-month na palugit para mag-adjust hanggang July 1, 2026 para maging fully compliant. Una nilang isusumite ang report sa loob ng siyam na buwan matapos ang fiscal year na sakop ng directive, ibig sabihin mula January 1 hanggang September 30, 2027.
Crypto Community Umaalma Sa Bagong Tax Frameworks
Kahit gustong itulak ng mga bagong patakaran na maging mas fair at mabilis ang pag-take ng buwis sa crypto, marami sa community ang nababahala. Sabi ng market watcher na si Heidi, winasak daw ng DAC8 ng EU ang privacy ng crypto users.
“Meron nang automatic dashboard ang tax authorities para bantayan ang digital assets mo. Nag-uumpisa na ring mangolekta ng data para sa tax ng 2026. Ngayon, mas importante pa lalo ang privacy,” ayon sa kanyang post.
Pinunto rin ni Bernie, isang kilalang personalidad sa social media, na lampas sa usapin ng buwis ang isyu. Sabi niya, parang pilit na ipinapasok sa buong mundo ang isang global na regulasyon, kahit walang diretsong pagsang-ayon ng taumbayan, para gumawa ng isang sistemang sobra ang bantay sa lahat ng galaw sa digital finance.
“Hindi naman totally banned ang crypto, pero yung private crypto parang sunog na. Hindi ka nga pinaboto para dito, tapos ni hindi na nila gustong mapansin mo na wala nang totoong privacy sa finance,” sabi niya sa post.
Hindi lang tungkol sa privacy ang epekto ng DAC8. Tinukoy ng BeInCrypto na maraming user ang nalilito sa tax reporting, lalo na’t dumarami ang transactions nila sa iba’t ibang blockchain at platform.
Mahilig mag-trade sa maraming wallets, blockchain, at exchange? Mahirap siyang i-tally, kaya madalas nagkakamali. Sa ilalim ng DAC8, kung matuklasan ng authorities na may tax avoidance o tax evasion, puwede silang magtulungan ng iba pang EU states. Puwedeng-puwede ring ma-freeze o makumpiska ang crypto assets mo.
Kaya sa pagpasok ng CARF at DAC8, malaking pagbabago ito para sa global crypto tax transparency. Pero kapalit naman nito, mas lumiit ang personal privacy at mas naging komplikado ang compliance. Sa pagpapatupad ng mga bagong framework na ito, kailangan nang mag-adjust ng crypto users at maghanap ng balanse — gusto mong panatilihin ang privacy pero hindi mo rin puwedeng balewalain ang pagbabantay ng regulators sa buong mundo.