Pinapagana ng smart contracts ang mga secure at automated na transaction gamit ang self-executing code sa blockchain networks. Mas pinapadali nito ang mga kasunduan at inaalis ang kailangan para sa middleman o pakikialam ng tao. Sa explainer na ‘to, pag-uusapan natin kung paano gumagana ang smart contracts, saan sila kapaki-pakinabang, at anu-ano ang mga pagsubok na kinakaharap nila sa mga tradisyunal na sistema.
MGA PANGUNAHING TAKEAWAYS
➤ Smart contracts ang ginagamit para automatic at secure na magawa ang mga digital na kasunduan.
➤ Dahil dito, hindi na kailangan ng tagapamagitan kaya mas mabilis at mas tiyak ang mga transaksyon.
➤ Malaking pakinabang ito sa industries tulad ng finance, supply chain, at real estate dahil nababawasan ang gastos at oras sa mgas transaksyon.
➤ May mga pagsubok pa rin tulad ng legal na issue, security risks, at limitasyon sa scaling, pero tuloy-tuloy ang mga pagbabago para masolusyunan ang mga ‘to.
Ano ang Smart Contracts?

➤ Ang smart contracts ay bagong paraan ng paggawa at pagpapatupad ng digital na kasunduan. Computer programs ang mga ito na diretsong ine-execute sa blockchain network. May laman itong mga code na nagsasabi ng mga kondisyon, at kusa itong gumagalaw kapag natugunan ang mga kondisyon na ‘yun.
Sa madaling salita, wala nang abogadong haharang, wala nang makupad na proseso, at wala nang broker na singil nang singil!
Ang smart contracts ay tumatakbo sa decentralized blockchain networks at hindi sa centralized servers. Sa centralized systems, may isang central authority o iilang grupo na may full control sa data at transactions. Sila ang nag-a-approve at nagde-decide sa lahat. Sa decentralized networks naman tulad ng blockchain, ang data at control ay nakakalat sa maraming participants o nodes. Walang isang entity o grupo lang ang may hawak, kaya mas transparent ito at mas mahirap manipulahin.
Dahil sa design na ‘to, nagiging posible sa smart contracts ang automatic na pagsunod sa kasunduan sa pagitan ng maraming parties — secure, tama, at walang panghihimasok ng sinuman.
Ang pagiging decentralized din ang dahilan kung bakit bagay ang smart contracts sa automation. Dahil walang central authority na nagkokontrol, hindi ito madaling ma-target ng hacks o magkaroon ng system failure dahil sa iisang weak point.
At dahil automation ang pinaka-essence ng smart contracts, nababawasan ang human error at nasisiguradong natutupad ang mga kasunduan sa tamang oras — lahat ‘to nang walang middleman na nakikialam.
Nakakatulong din ang smart contracts na bawasan ang risk na hindi tumupad sa kasunduan ang kabilang panig, mapadali ang proseso, mapababa ang gastos, at gawing mas malinaw at transparent ang mga kasunduan lalo na kung maraming parties ang kasali.
Paano Gumagana ang Smart Contracts

Tumatakbo ang smart contracts sa decentralized blockchain platforms gaya ng Ethereum. Nilalagay dito ang mga patakaran ng kasunduan at pinapatakbo ito sa blockchain o distributed ledger gamit ang espesyal na virtual machine.
➤ Sa madaling salita, gumagana ang smart contracts gamit ang “if/when…then…” na sistema. Kapag natupad at nakumpirma ng grupo ng mga computer sa network ang mga nakatakdang kondisyon o trigger, kusa nang gagawin ng contract ang mga naka-program na aksyon.
Bilang general rule, nagsisimula ang paggawa ng smart contract kapag nagtutulungan ang mga business at mga team na may kinalaman dito kasama ang developers. Ibinibigay sa developers ang malinaw na gabay kung ano ang dapat gawin ng contract kapag may nangyaring espesipikong kaganapan.
Ang mga simpleng trigger ay maaaring magsama ng mga aksyon tulad ng pagpapahintulot sa isang pagbabayad, pagkumpirma ng isang kargamento, o pagsubaybay sa mga threshold ng utility. Samantalang ang mas komplikadong sitwasyon ay pwedeng saklawin ang pag-compute at pagproseso ng derivatives o pagbabayad ng insurance pay-out kapag napatunayan na ang mga pangyayari o trigger events — tulad ng mga kalamidad o pagpanaw ng isang tao.
Ina-encode at tine-test ng developers ang smart contract gamit ang smart contract development platform para masigurong gumagana ito nang ayon sa inaasahan.
Kapag natapos, karaniwan itong dumadaan sa security audit — kadalasan ginagawa ito ng internal expert o third-party firm na dalubhasa sa smart contract security. Pagkatapos maaprubahan, idi-deploy na ang contract sa napiling blockchain o distributed ledger.
Pagkatapos ng deployment, kokonekta ang smart contract sa tinatawag na oracle — isang secure na data source na nagbibigay ng real-time updates at data. Kapag nakatanggap na ang smart contract ng verified na data mula sa isa o higit pang oracles, automatic nitong isasagawa ang mga nakaprogramang aksyon para masigurong natugunan ang lahat ng kondisyon.
Blockchain Technology at Smart Contracts

Sinusuportahan ng blockchain ang smart contracts gamit ang decentralized at hindi madaling dayain na network, kung saan ang bawat transaction ay naka-store sa buong network ng mga computer o nodes. Dahil decentralized, pwedeng mag-transact ang mga participants nang hindi umaasa sa isang central authority, kaya nagiging mas secure at maaasahan ang environment kung saan gumagana ang smart contracts nang kusa.
Ang distributed ledger technology o DLT ang bumubuo sa foundation ng blockchain. Sa system na ‘to, naka-record nang secure ang data ng smart contracts sa buong network. Bawat aksyon sa smart contract ay naka-log sa maraming nodes, kaya may malinaw at permanenteng record na pwedeng i-review ng kahit sino sa network.
Dahil sa ganitong setup, mas matibay ang reliability ng data at mas mahirap itong manipulahin, kaya nagdadagdag pa ng dagdag na layer ng security sa buong proseso.
Ang Papel ng Oracles
Ang oracles ang nag-uugnay sa blockchain sa mga external na pinagmumulan ng data, kaya nagagawa ng smart contracts na gumamit ng impormasyon mula sa labas ng blockchain.
Halimbawa, pwedeng mag-trigger ng automatic na bayad ang isang insurance contract kapag may kumpirmadong weather data mula sa oracle. Kung walang oracles, mababawasan ang gamit ng smart contracts sa tunay na buhay dahil sa data lang na nasa loob ng blockchain sila aasa.
Cross-chain Smart Contracts
Ang cross-chain interoperability ay ang kakayahan ng magkaibang blockchains na makipag-ugnayan at magbahagi ng data o assets sa isa’t isa. Dahil dito, nagagawa ng smart contracts sa iba’t ibang blockchain na magkausap at mag-transact, kaya mas lumalawak ang mga puwedeng paggagamitan nito.
Halimbawa, pwedeng paganahin ng isang cross-chain contract ang palitan ng assets sa pagitan ng Ethereum at Polkadot, kaya mas nagiging flexible at mas dumarami pa ang pwedeng gawin sa larangan ng decentralized finance o DeFi.
Ano ang Mga Programming Language na Ginagamit sa Smart Contracts?

Iba’t ibang programming languages ang ginagamit ng developers sa paggawa ng smart contracts, depende sa blockchain platform na pinagtatrabahuhan nila.
Para sa Ethereum at iba pang EVM-compatible blockchains, Solidity pa rin ang pangunahing ginagamit. High-level at contract-oriented ang syntax nito kaya swak sa paggawa ng smart contracts.
Isa pang kilalang option sa Ethereum ay Vyper, na may mas simple at mas secure na approach. May hawig ang syntax nito sa Python kaya madaling matutunan ng ibang developers.
Sa mga non-EVM blockchains naman tulad ng Solana at Polkadot, mas pinipili ng developers ang Rust dahil sa bilis at security features nito.
Para naman sa Aptos at Sui, ginagamit na ngayon ang Move — isang language na originally ginawa ng Facebook (ngayon ay Meta) para sa Diem project. Kilala ang Move sa focus nito sa safety at flexibility.
Bukod pa dito, may WebAssembly (WASM) din na nagbibigay ng cross-platform compatibility. Dahil dito, pwedeng gumawa ng smart contracts gamit ang mga language tulad ng C, JavaScript, TypeScript, at Rust.
Ang Ebolusyon ng Smart Contracts
Unang lumitaw ang konsepto ng smart contracts noong 1990s nang ipaliwanag ng computer scientist na si Nick Szabo ang ideya ng paggamit ng digital na proseso para awtomatikong gawin at ipatupad ang mga kasunduan. Ginamit niya ang halimbawa ng vending machine para ipakita kung paano pwedeng awtomatikong magpatupad ng transaction kapag natugunan ang mga kondisyon o trigger.
Ayon kay Szabo, sa hinaharap, pwedeng mga digital system na mismo ang magpatakbo ng mga kasunduan, kaya mababawasan ang pangangailangan sa mga middleman o tagapamagitan. Unti-unting nabigyan ng pansin ang ideyang ito nang lumago ang blockchain technology, lalo na nang ilabas ang Ethereum noong 2015, na siyang nagbigay-daan para magamit sa totoong buhay ang smart contracts.
Ang ideya ni Szabo ang unang naglatag ng malinaw na konsepto ng automated agreements, na naging pundasyon ng smart contracts na nakikita natin ngayon sa blockchain.
“[….]Pwedeng palawakin ang smart contracts para magamit sa mga ari-arian. Pwedeng lagyan mismo ng smart contract ang mga bagay para maging smart property. Ang mga protocol na ito ang magkokontrol kung sino lang ang may access sa isang bagay, base sa terms ng kasunduan.. “
“Halimbawa, hindi gagana ang kotse kung hindi makumpleto ang tamang challenge-response protocol ng may-ari. Kapag hindi nakabayad ang may-ari sa loan, pwedeng awtomatikong bawiin ang kontrol ng kotse at ibalik sa bangko.”
— Nick Szabo, sa kanyang seminal na pagsulat
Ang Papel ng Bitcoin
Nang lumabas ang Bitcoin blockchain noong 2009, ipinakita nito ang isa sa pinakaunang basic na bersyon ng smart contract protocol. Sa simpleng paraan, pinakita ng Bitcoin kung paano pwedeng maglagay ng conditions o mga kondisyon bago maisagawa ang isang transaction.
➤ Halimbawa, bago matuloy ang isang Bitcoin transfer, kailangan munang pirmahan ng sender ang transaction gamit ang kanyang private key — ito ay isang unique na password na nagpapatunay na siya talaga ang may-ari ng funds. Kailangan ding may sapat na balance ang wallet para tuluyang maisagawa ang transaction. Dahil dito, nagkaroon ng isang self-enforcing system kung saan automatic na nasusunod ang rules ng network.
Noong 2012, nagdagdag pa ng mas advanced na feature ang Bitcoin — ang tinatawag na multi-signature transactions o multi-sig. Sa setup na ito, hindi pwedeng gumalaw ang funds hangga’t hindi pumipirma ang dalawa o higit pang authorized users. Lahat sila ay may sarili nilang public at private keys.
Malaking tulong ang multi-sig sa security dahil hindi agad mawawala o mananakaw ang funds kahit makompromiso ang isang private key — kailangan pa rin ang pirma ng iba pang kasali sa transaction.
Sa mga sumunod na taon, nagdagdag ang Bitcoin at iba pang blockchains ng mas advanced na programmable conditions na tinatawag na opcodes. Pero ang talagang nagbukas ng mas malawak na posibilidad para sa smart contracts ay ang Ethereum whitepaper na inilabas ni Vitalik Buterin noong 2013.
Noong 2015, nang inilunsad ang Ethereum, nagdala ito ng bagong klase ng blockchain — hindi lang basta para mag-transfer ng crypto, kundi isang programmable blockchain na kayang magpatakbo ng maraming smart contracts nang sabay-sabay. Tinawag nila itong world computer, at dito nagsimula ang modernong smart contracts na ginagamit natin ngayon.

Mga Platform na Sumusuporta sa Smart Contracts
Pinaka-gamit pa rin hanggang ngayon ang Ethereum pagdating sa pag-deploy ng smart contracts, lalo na dahil flexible ang infrastructure nito at may sarili itong programming language na tinatawag na Solidity.
Sa Ethereum network nagaganap ang maraming aktibidad sa decentralized finance (DeFi), non-fungible tokens (NFTs), at iba’t ibang decentralized applications (DApps). Sa 2025, Ethereum pa rin ang nangungunang platform para sa mga mas komplikadong smart contract applications.
Iba Pang Blockchain Platforms
- EOS: Isang platform na kilala sa mataas na performance at nakatuon sa scalability at mababang transaction fees. Dinisenyo ito para sa malalaking applications na nangangailangan ng mabilis na transactions.
- Hyperledger Fabric: Isang permissioned blockchain na ginawa ng Linux Foundation at malawakang ginagamit sa mga enterprise-level applications. Ang ibig sabihin ng permissioned blockchain ay may control kung sino lang ang pwedeng sumali sa network — kaya mas bagay ito sa mga negosyo na may internal na proseso at regulasyon.
- Cardano: Gumagamit ang Cardano blockchain ng Plutus programming language para sa smart contracts nito. Focused ito sa formal verification, o ang proseso ng pagsisigurong walang mali sa code sa pamamagitan ng mathematical proof. Dahil dito, bagay ang Cardano sa mga applications na nangangailangan ng mataas na reliability at seguridad, tulad ng sa financial sector at pag-manage ng medical records.
Key Features ng Smart Contracts
- Automation: Awtomatikong isinasagawa ng smart contracts ang kasunduan kapag natugunan na ang mga itinakdang kondisyon. Dahil dito, mas nagiging tuloy-tuloy ang proseso at nababawasan ang pangangailangan sa manu-manong pakikialam. Kusa rin itong nagti-trigger ng aksyon sa oras na matupad ang requirements.
- Seguridad: Protected ang smart contracts gamit ang blockchain cryptography, kaya hindi basta-basta ma-hack o mapakialaman. Sa bawat execution ng contract, buong network ang nagbe-verify, kaya may dagdag na depensa laban sa fraud o iligal na pagbabago.
- Transparency: Naka-record sa public ledger ang bawat aksyon ng smart contract, kaya makikita ng lahat ng kasali sa contract ang terms at history nito. Dahil dito, mas nagkakaroon ng tiwala sa pagitan ng lahat ng parties dahil pwedeng i-verify ang bawat galaw.
- Trustless Transactions: Pwedeng mag-transact ang dalawang panig nang hindi kailangang magtiwala sa isa’t isa o gumamit ng middleman. Ang code mismo ng smart contract ang nagpapatupad ng terms, kaya walang third party na kailangang mamagitan — susunod lang ang lahat sa nakasaad na kondisyon.
Mga Gamit ng Smart Contracts
Basta’t may quantifiable o kayang sukatin na terms, tulad ng sa karaniwang kontrata, pwedeng ilagay ang mga ito sa smart contract at i-store sa blockchain.
Narito ang ilan sa mga pinaka-karaniwang gamit ng smart contracts sa 2025:
- Mga serbisyong pinansyal: Mas pinapadali ng smart contracts ang lending, payments, at asset transfers sa decentralized finance (DeFi). Halimbawa, sa isang loan contract, kusa nitong ire-release ang funds sa borrower kapag natupad ang mga kondisyon. Awtomatiko rin nitong ipapatupad ang terms ng pagbabayad nang walang middleman.
- Pamamahala ng supply chain: Pinapaganda ng smart contracts ang transparency at accountability sa supply chain. Sinusubaybayan nito ang mga produkto mula umpisa hanggang delivery. Awtomatiko rin nitong ina-update ang status ng goods sa bawat stage, kaya nababawasan ang paperwork at mas madali ang pagsubaybay.
- Real estate: Pinapasimple ng smart contracts ang property transactions sa pamamagitan ng automation sa mga proseso tulad ng title transfers, escrow, at payments. Dahil dito, mas konti ang kailangan na middleman, mas mabilis ang transactions, at nababawasan ang errors.
- Mga legal na kasunduan: Pwedeng i-automate ng smart contracts ang ilang legal agreements, tulad ng rental contracts na kusa nang nagti-trigger ng access at automatic na nagpo-process ng bayad. Dahil dito, nababawasan ang alitan at mas nasusunod nang tama ang kasunduan.
- Desentralisadong Aplikasyon (DApps): Umaasa ang maraming DApps sa smart contracts para magbigay ng services tulad ng gaming, finance, at social networking — lahat nang hindi umaasa sa central authority. Dahil sa smart contracts, mas transparent at mas hawak ng users ang experience nila.

Mga Benepisyo ng Smart Contracts
Benepisyo | Paglalarawan |
Bilis at Mas Maayos na Proseso | Dahil automated ang smart contracts, kusa nitong ginagawa ang mga proseso at natatapos agad ang transactions — kadalasan sa loob lang ng ilang segundo o minuto. |
Mas Mababang Gastos | Nakakatipid sa transaction fees dahil wala nang kailangang middleman o tagapamagitan. Halimbawa, sa real estate, hindi na laging kailangan ng escrow — isang third party na humahawak ng pera habang inaayos ang mga dokumento o kasunduan. |
Walang Middleman | Pwedeng magkasundo at mag-transact nang direkta ang mga parties nang walang middleman na kailangang mamagitan. Mas simple at mas mabilis ang proseso. |
Mas Ligtas | Protected ang smart contracts gamit ang cryptographic security, ibig sabihin, encrypted o may matibay na proteksyon ang data sa blockchain para hindi basta-basta mapakialaman. Buong network din ang nagva-validate ng bawat transaction kaya mas mahirap dayain o i-manipulate. |
Mga Hamon at Limitasyon ng Smart Contracts
Hamon | Paglalarawan |
Mga Kahinaan sa Seguridad | Kapag may mali sa code ng smart contract, pwedeng mapasok o ma-exploit ng attackers. Isang kilalang halimbawa nito ay ang DAO hack noong 2016 — isang malaking insidente kung saan nanakaw ang milyon-milyong dolyar sa Ethereum blockchain dahil sa butas sa smart contract code. Dahil dito, mahalaga ang tamang coding practices para iwas-hack. |
Mga Legal at Regulasyon | Hindi pa malinaw ang legal status ng smart contracts sa maraming bansa. Mahirap itong gamitin sa mga industriya na may matitibay na legal requirements — halimbawa sa finance at real estate. Kailangan ng malinaw na batas at regulasyon para mas tanggapin ito ng traditional businesses. |
Mga Issue sa Scalability | Ang scalability ay tumutukoy sa kakayahan ng blockchain na mag-process ng maraming transactions nang sabay-sabay. Kapag sabay-sabay ang transactions sa network, bumabagal ang processing at tumataas ang fees. Nakakaapekto ito sa bilis at kabuuang gastos ng smart contracts. |
Ang Hinaharap ng Smart Contracts
Malaki ang potensyal ng smart contracts na baguhin ang iba’t ibang industriya sa pamamagitan ng automated at trustless na solusyon. Habang patuloy na umuunlad ang blockchain, oracles, at cross-chain technology, lalong nagiging mahalaga ang role ng smart contracts sa pagpapabilis at pagpapaganda ng decentralized na interactions sa iba’t ibang sektor.
Sa hinaharap, posible ring maging mas advanced ang smart contracts sa tulong ng AI integrations. Patuloy ding pinag-aaralan ang mas komplikadong paggamit nito, tulad ng autonomous organizations na pinapatakbo nang buo ng smart contracts para mas maging decentralized at automated ang mga organisasyon.
Habang patuloy na lumalago ang teknolohiyang ito, malaki ang chance na maging bahagi na ito ng pangkaraniwang proseso sa maraming negosyo.
Mga Madalas Itanong (FAQ)
Ano ang Smart Contract sa Blockchain?
Ano ang Pagkakaiba ng Smart Contracts at Tradisyunal na Kontrata?
Ano ang Ilang Halimbawa ng Gamit ng Smart Contracts sa Totoong Buhay?
Legal ba ang Smart Contracts?
Ano ang mga Panganib sa Paggamit ng Smart Contracts?
Disclaimer
Alinsunod sa mga patakaran ng Trust Project, ang opinion article na ito ay nagpapahayag ng opinyon ng may-akda at maaaring hindi kumakatawan sa mga pananaw ng BeInCrypto. Nananatiling committed ang BeInCrypto sa transparent na pag-uulat at pagpapanatili ng pinakamataas na pamantayan ng journalism. Pinapayuhan ang mga mambabasa na i-verify ang impormasyon sa kanilang sariling kakayahan at kumonsulta sa isang propesyonal bago gumawa ng anumang desisyon base sa nilalamang ito. Paalala rin na ang aming Terms and Conditions, Privacy Policy, at Disclaimers ay na-update na.
